Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. – Meralco vs. Rain or Shine
7:15 p.m. – Ginebra vs. Blackwater
Mukhang magkakaproblema ang Rain or Shine dahil inaasahang balik na sa dating porma si Meralco import Allen Durham.
Sa kabilang banda, tatangkain ng Ginebra na itagay ang pangatlong kabit na panalo laban sa Blackwater sa nightcap ng PBA Governors Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum.
Si Durham, dating Grace Bible College standout na naglaro na rin sa Barako Bull sa parehong torneo noong 2014 at sa France at NBA D-League, ay nag-average ng 34 points at 18.5 rebounds sa first two games ng Bolts na parehong panalo.
Sa monster games ni Durham, ikinumpara siya ni Meralco coach Norman Black sa mga dating astigin ng PBA na sina Bobby Parks, Billy Ray ‘Black Superman’ Bates at David ‘The Sheriff’ Thirdkill.
Pero nabalian ng ilong ang eksplosibong import nang tamaan ng siko ni Sonny Thoss ng Alaska noong July 17, at bumaba ang performance ni Durham sa 15.5 ppg at 13.0 rpg.
Huling naglaro ang Bolts noong July 30 bago ang All-Star break, makalipas ang ilang araw pa ay nagamay na ni Durham ang pagsusuot ng face mask. Halatang asiwa si Durham sa protective mask sa huling dalawang outings ng Meralco, parehong talo sa TNT KaTropa at Ginebra.
Pero kahit balik ang dating laro ni Durham, hindi nababahala si Elasto Painters coach Yeng Guiao.
“Let’s see tomorrow,” pakli ni Guiao sa bisperas ng laban.
Tulad ng Gin Kings, tatangkain ding pinturahan ng RoS ang third straight win. July 29 nang huling pumagitna ang E-Painters sa 98-92 win sa Blackwater. Ginamit ng RoS ang All-Star Weekend para hasain ang depensa una na kay Durham.
“He is the number one in assists among imports (6.0) so that is a concern since na-i-involve niya ang mga local teammates niya,” punto ni Guiao. “Pero if he is going to be offensive-minded and try to score more, then the better for us since mas madaling iisa lang ang main concern mo than marami.”
Misyon ng Bolts na makawala mula sa back-to-back losses, kaya umaasa si Black na magiging mas agresibo na si Durham. Isa pa sa problema ni Black kung paano pipigilin ang opensa ng E-Painters na pumapalo sa 100.6 ppg.
“Our opponent is Rain or Shine, so we must bring our A-Game on defense to slow down their high-power offense,” giit ni Black, sasandal din kina Chris Newsome, Cliff Hodge, Reynel Hugnatan, Jimmy Alapag at Mohammad Jamshidi.
Balanse ang scoring ng Rain or Shine, kahit si Dior Lowhorn ang may pinakamaigsing playing time sa imports sa nila-log na 31.6 minutes per game. Nag-a-average pa rin siya ng 22 points at 12 rebounds per. Suwabe lang ang hagod ng suporta ng locals na sina JR Quinahan, Jeff Chan, Paul Lee, Maverick Ahanmisi, Jericho Cruz at Gabe Norwood.