Durham, Meralco nag-alsa sa Game 2

Durham, Meralco nag-alsa sa Game 2

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:00 p.m. – NorthPort vs Bgy. Ginebra

Walang kahirap-hirap na tinabla ng Meralco Bolts ang serye sa 1-1 matapos tambakan ang TNT KaTropa 114-94 sa Game 2 ng PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals kagabi sa Araneta Coliseum.

Inakbayan ni reinforcement Allen ­Durham ang Bolts matapos mangalabaw ng 44 points, 19 rebounds at 11 assists.

Maagang nagparamdam ng lakas ang Meralco nang humarurot agad sa simula ng bakbakan.

Tumarak agad ang Bolts ang 18-point lead, 23-5 may 6:08 minuto pa sa first canto, matapos mag-init ang opensa nina Durham at local Baser Amer.

Umalagwa pa sa 19 ang boltaheng nilamang ng Meralco, 35-16 sa pagtatapos ng unang quarter.

Lalong ginanahan ang Bolts sa second ­period, rumatsada ng 28-13 para itarak ang 34 puntos na abante, 63-29 sa halftime.

Naibaba ng KaTropa sa 23 puntos ang hinahabol sa third pero kinapos pa rin sila sa payoff period. (Lito Oredo)