Duterte admin utang pa more; pagkatapos ng dolyar at euro, yen naman

Duterte admin utang pa more; pagkatapos ng dolyar at euro, yen naman

Sa kabila ng sunod sunod na pagtaas ng buwis, muli na namang mangungutagn ang administrasyong Duterte para punan ang kakulangan sa panggastos ng gonbyerno.

Ayon sa Standard & Poor’s rating agency, may planong mag-isyu ng yen-deno­minated unsecured notes ang pamahalaan.

Ang unsecured yen-denominated notes ay isang uri ng pangungutang.
Hindi pa malinaw kung magkano ang uutangin ng pamahalaan.

Noong Enero ngayong taon, nangutang ang admi­nistrasyong Duterte ng $1.5 bilyon sa pamamagitan ng pag-isyu ng dollar denomina­ted bonds. Nitong Mayo, muli na naman itong nangutang sa pamamagitan ng pag-isyu ng euro-denominated notes na nagkakahalagang 750 million euros.

Pinakamadaling gamitin ang pera na inutang ng pamahalaan na galing sa mga bond issue, mapa yen, euro o dollar dahil kukubrahin lang nito agad ang pera hindi tulad ng mga program loan at project loans kung saan kailangang tukuyin ang paggagastusan ng pera.

Base sa datos ng Department of Budget and Ma­nagement (DBM), katumbas ng P162 bilyon ang uutangin ng administrasyong Duterte sa pag-iisyu ng bonds sa mga foreign investors.

Sa kabila ng dalawang magkasunod na batas na nagtataas ng buwis na nakadagdag ng pera sa kaban ng ba­yan, patuloy pa ring nangu­ngutang ang pamahalaan dahil mas malaki pa rin ang ginagastos nito kumpara sa kinikita. (Eileen Mencias)