Duterte ayaw paawat sa banat

Hindi pinakinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang payo sa kanya na huwag banggitin ang mga kandidato ng Otso Diretso dahil lalo lamang sisikat ang mga ito ngayong panahon ng kampanya at maalala ang kanilang pangalan.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa South Cotabato kama­kawala na hindi maaalala ng mga botante ang mga kandidato ng oposisyon dahil tiyak naman na sa impiyerno ang diretso ng mga ito.

Hindi aniya nito binibigyan ng importansiya ang mga kalaban ng administrasyon at kahit pa banggitin niya ang mga ito ay hindi rin naman maaalala lalo na pagdating ng eleksiyon.

“Ito ha. Just — just to, malaman lang ninyo. Sabi nila ‘wag daw ibanggit ang pa­ngalan ng kalaban kasi bigyan — mabigyan ng importansya maalaala pa ninyo tuloy. Sabi ko hindi, hindi na ito nila maalaala kasi sabi ko nga Otso Diretso todo — padung sa impiyerno,” ang Pangulo.

Sa tuwing dadalo si Pangulong Duterte sa kampanya ng PDP-Laban para ikampanya ang mga kandidato ng administrasyon ay hindi nito nakakalimutang isa-isahing birahin ang mga kalabang kandidato at ikumpara ang mga nagawa, pati na ang mga katangian sa mga administration candidates.

Namumuro sa mga banat nito sina congressman Gary Alejano, Florin Hilbay, Chel Diokno at Mar Roxas.

Umiiwas naman ang Presidente na batikusin at banatan ang kandidatong si Samira Gutoc na taga-Mindanao dahil isa aniya itong babae. (Aileen Taliping)