Duterte ayaw solohin kredito sa ‘Build projects’

Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging ambag ng mga nakaraang administrasyon sa ilang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program na natapos sa kanyang termino.

Ipinahayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 2020 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ginanap sa Marriot Grand Ballroom sa Pasay City noong Martes.

Sa naturang okasyon, sinabi ng Pa­ngulo na nais niyang ipamahagi nang pantay-pantay ang mga proyekto ng kanyang administrasyon sa mga local government unit sa buong bansa.

“Ang gusto ko lang sana sa last two years ko, if I can equitably distribute the money of the republic to co­ver the entire Philippines on projects, ma­laki man o maliit, basta meron ang lahat,” sabi ng Pangulo.

Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na ilan sa mga infrastructure project na kanyang natapos ay sinimulan ng mga nakaraan pang administrasyon
“I must admit that these projects are not mine alone. Some were started during my predecessors’ days but completed during my term. Pero para sa akin, okay na ‘yon. I can give the credit to them for I never started it. And just finishing it is no big deal for anyone,” ayon sa Pangulo. (Prince Golez)