Duterte babagsak sa oil tax

Sesemplang umano ang popularidad ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte kapag itinuloy ng kanyang mga economic ma­nagers ang planong patawan ng dagdag na ­excise tax ang mga produktong petrolyo.

Ito ang ibinabala ni Albay Rep. Edcel Lagman sa press briefing kahapon kaugnay ng plano ng mga economic mana­gers ni Duterte upang mapondohan ang ambisyon ng mga ito na mga infrastructure projects na nagkakahalaga ng P8 trillion hanggang P9 trillion.

“They will have to weigh that very carefully because they might be losing their popular capital,” pahayag ni Lagman.

Sa ngayon ay napa­kataas pa ang popularity rating ni Duterte na base sa mga survey ay nagla­laro pa ito sa 83% na inu­ugnay sa pagsuporta ng publiko sa kanyang anti-illegal drug campaign.

Gayunpaman, sinabi ni Lagman na hindi malayong mawala ang popu­laridad ni Duterte kapag nasaktan na nang todo­ ang mayorya sa mga Filipino­… ang mga mahihirap, kapag natuloy ang dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo.

Sa ngayon ay umaabot lamang sa P4.35 ang ­excise tax ng mga produktong petrolyo maliban sa diesel na libre sa buwis subalit nais ng mga economic managers na itaas ito sa P10 bawat litro.

Hindi rin ililibre ang diesel na karaniwang ginagamit ng transport sector dahil papatawan na ito ng excise tax kaya kapag nangyari ito ay masasaktan, aniya, nang todo ang mga karaniwang tao.

Sa ngayon ay nanahamik lamang, aniya, ang mga tao subalit aalma­ na ang mga ito kapag ang sikmura na ng mga ito ang nakataya at ang kapalit nito ay ang popula­ridad ng Pangulo.