Duterte bahala sa death penalty

Pagtitibayin ng Kongreso ang death penalty subalit bahala na umano si Pangulong Rodrigo Duterte kung anong uri ng pagpatay sa mga kriminal na mahahatulan ng kamatayan dahil sa karumal-dumal na krimeng nagawa ng mga ito.

Ito ang ipinahayag ni House Speaker Panta­leon ‘Bebot’ Alvarez dahil pinagtatalunan umano kung sa pamamagitan ng pagbigti, firing squad o lethal injection papatayin ang mga kriminal na malalagay sa death row.

“Alam mo parehong death ‘yan (lethal and hanging). Dapat ‘di na natin pagtalunan ‘yan kung by hanging firing squad or lethal, parehong patay yan eh. Bahala na ‘yung Executive branch kung paano nila i-execute ‘yung provision,” paha­yag ni Avarez sa panayam ng mga mamamahayag

Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay u­nang panukalang batas na inihain ni Alvarez bilang suporta sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na patayin ang mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa droga.