Muling bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City sa ikaanim na pagkakataon para pangu­nahan ang inagurasyon ng ‘bahay-Pag-asa,’ isang housing facility para sa mga pamilyang naapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng Maute terror group at mga sundalo ng pamahalaan.

Ang magiging bagong tirahan ng mga evacuees ay kahalintulad ng ‘bahay kubo’ na yari sa nipa at mas maayos kumpara sa tent na pansamantalang tirahan ng mga ito.

Ipinakita sa Pangulo kahapon ng mga sundalo kung paano bumuo ng bahay kubo sa pamamagitan ng liksi at bayanihan na umabot lamang ng apatnapu’t limang minuto.

Sinimulan ang pagtatayo ng transitional shelters para sa mga evacuees noong Setyembre 8 at target na maipatayo ang isang libo at limang daang units ng bahay kubo para makalipat kaagad ang mga bakwit.

Sinabi naman ni Assistant Secretary Kristoffer James Purisima ng Office of the Civil Defense sa Mindanao Hour sa Malacañang na umaasa silang matatapos ang phase one ng construction ng mga bahay kubo hanggang sa buwan ng Disyembre.

“Sa ngayon, meron tayong 14 hectares na nakalaan na transitional shelter site at maaari pa ‘tong lumaki ‘no. At ang initial estimate na matatayo nating transitional shelters ay 1,100 transitional shelters.

Ngunit, recently na-increase na ito sa 1,500. So once matapos ang portion nitong transitional shelters, by areas kasi ‘yung transitional shelter site. Basta’t may matapos ng area doon na natin… papupuntahin na natin doon ang ating mga IDPs,” ang pahayag ni Purisima.