Duterte, Berna nagbeso

Kahit kabababa pa lang ng ‘no touch’ policy ng Presidential Security Group (PSG) sa Malacañang bilang precautionary measure kontra ­COVID-19, agad itong sinuway ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon nang ibeso-beso si Tourism Secretary Bernadette ­Romulo-Puyat.

Bago pa ang nakatakdang Inter-Agency Task Force meeting na tumututok sa kaso ng coronavirus sa Palasyo, nakitang nakipagkamay din ang Pangulo sa ilang opisyal ng gabinete.

Hindi rin nito natiis na halikan si Sec. Puyat sa pis­ngi nang magkita sila sa pulong.

Naunang nagpalabas ng statement ang PSG na mahigpit na ipapatupad ang ‘no touch’ policy kay Pangulong Duterte, 74-anyos, dahil na rin sa mala­king banta sa kalusu­gan ng Pangulo ang kumakalat na ­COVID-19.

Lahat umano ng persona­lidad na lalapit sa Pangulo sa mga event at pagpupulong ay kailangang dumaan sa screening at testing para matiyak na wala itong mga taglay na sakit na may kaugnayan sa coronavirus, ayon pa kay PSGC Commander Col. Jesus Durante.

Binigyan-diin pa nito na lahat ng ipinatutupad na protocol at preventive measure ay patuloy na ipaiiral sa buong Malacañang complex.

Nauna ring sinabi ni Senador Bong Go na posible umanong suwayin ni Pangulong Duterte ang ‘no touch’ policy.

“Trabaho nila (PSG) ‘yon to secure the President dahil siyempre pinapangalagaan nila ‘yung kalusugan ng ating Pa­ngulo,” pahayag ni Go sa pana­yam kahapon ng mga reporter.

“Pero knowing the President, nagkausap kami kagabi, ‘di niya ipagbabawal ‘yung hahawakan siya ng tao,” dagdag pa nito.

Magugunita na hayagang ina­min ng Pangulo ang kanyang paghanga kay Puyat, na isang ­biyuda. (Prince Golez/­Dindo Matining)