Nakatakdang bumiyahe ngayong Linggo si Pangulong Rodrigo Duterte para sa tatlong araw (Hunyo 3-5) na official visit sa South Korea.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary for Strategic Communications and Research Ernesto Abella, ang biyahe ng Pangulo ay bilang pagtugon sa imbitasyon ni South Korean President Moon Jae-in nang magkita sila sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na ginanap sa Maynila noong Nobyembre 2017.

Ito ang kauna-una­hang pagbisita ni Pa­ngulong Duterte sa South Korea mula nang maluklok sa Malacañang noong 2016.

Sinabi ni Abella na magiging tampok sa pagbisita ang bilate­ral meeting ng dala­wang pangulo at ang pagpapatibay ng apat na Memorandum of Understanding sa lara­ngan ng transportation, trade, investment, environment at agriculture.

Sasamantalahin na rin anya ng Pangulo ang pagkakataon para magpasalamat sa tulong ng South Korea para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

“Also part of the meeting will be refe­rence to the Marawi rehabilitation. The Korea — Republic of Korea donated a US$100,000 to the Philippine Red Cross. There will also be a reference to social cooperation or the protection of nationals of both countries, with about 1.6 million Korean tourists to the Philippines and 450,000 Filipino tourists to Korea in 2017, aside from the expatriates in each country,” ani Abella.

Makikipagkita rin ang Pangulo sa Filipino Community kung saan mayroong 68,000 na nagtatrabaho at naka­tira na sa South Korea.