Duterte: COVID test sa mga empleyado `di mandatory

Hindi mandatory para sa mga employer na isailalim sa COVID test ang kanilang mga manggagawa.

Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mensahe sa sambayanang Pilipino Martes ng gabi.

“There is no requirement that kailangan ka magpa-test ha. It’s not a requirement, it is not a mandatory requirement. Kung ginusto lang ng employer mo,” ayon sa Pangulo.

“Pero kung ginusto nila, ‘di sige. If you are found to be positive, then you go to the motions of getting the proper treatment. It is not a requirement by DOLE or the DTI,” sabi pa ni Pangulong Duterte.

Samantala, nilinaw ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na tanging mga suspected COVID-19 positive lamang ang kinakailangang sumailalim sa swab test.

Pinaalala rin nito sa mga employer ang pagpapatupad ng social distancing sa loob ng kanilang mga kompanya at pagkakaroon ng maayos na safety at sanitation practice.

“Ang isang requirement po na sinabi natin `yung at least `yung thermal scanning para malaman kung may lagnat or may sakit ang bawat employee kukunin ‘yan every day,” ani Lopez.

“Ang kailangan lang din po everyday ay may health declaration ‘yung mga pumapasok just to know ‘yung usual na tanong: Nakatabi ka ba sa isang COVID patient o may inaalagaan ka? May exposure ka ba sa isang COVID patient? Or ikaw ba ay masama ang pakiramdam?” dagdag pa ng kalihim. (Prince Golez)