Duterte: DDR kailangan na talaga!

Bumisita kamakailan sa Bicol si Pangulong Duterte para personal na makita ang pinsalang idinulot dito ng bagyong Usman.

Nanlumo ito sa dinatnan kaya naman sa isang pulong sa Pili, Camarines Sur ay muli nitong iginiit na kailangan na talagang likhain ang isang hiwalay na ahensya na ang trabaho ay nakatutok lang sa natural calamities na tumatama sa bansa.

Reaksyon dito ni Albay Rep. Joey Salceda, swak sa kagustuhan ng Pangulo ang kanyang panukalang House Bill 8165 na siyang lilikha ng DDR.

Dahil hindi naman talaga mapipigilan ang mga natural na kalami­dad, kailangang magkaroon ng ahensya na ang tanging gagawin ay umaksyon bago at pagkatapos at sumaklolo sa mga sinasalanta sa kasagsagan nito.

Sa ganitong paraan ay mas magiging mabilis ang bawat pagbangon.