Duterte-De Lima showdown

Ang Hollywood actor na si Al Pacino ang nagsabi sa pelikulang “The Godfather – 3” “You should keep your friends close and your enemies closer.”

Naalala ko ang mga katagang ito dahil bago pumutok sa media ang “word war” sa pagitan nina Pa­ngulong Rodrigo Duterte at Senador Leila de Lima ay kinamayan pa ng Presidente ang senadora bago ang kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Maski nga si De Lima ay nagulat sa pagkamay sa kanya ni President Rody na siya mismong lumapit sa dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) para kamayan bago siya mag-deliver ng kauna-unahang SONA bilang ika-16 na Pangulo ng bansa.

Akala nga ng marami ay simula na iyon ng pagkakaayos nina Duterte at De Lima na unang nagsabi na kanyang iimbestigahan sa Senate committee on justice ang mga sinasabing extra-judicial killings (EJK) ng mga hinihinalang drug pusher.

Pero isang araw pagkatapos ng SONA, sinabi agad ni Speaker Pantaleon Alvarez na kanyang paiimibestigahan ang paglala ng problema sa iligal droga sa New Bilibid Prisions (NBP) sa ilalim ng termino ni De Lima bilang DOJ secretary na may admi­nistrative at ope­rational control sa NBP.

Kasabay halos ng pahayag na ito ni Alvarez ang paglalabas ni Solicitor-General Jose Calida ng mga larawan kung saan magkasama si De Lima at ang convicted drug lord na si Herbert Colangco sa loob mismo ng sinasabing “kubol” ng convict sa loob ng NBP compound.

Una nang binatikos ni Calida si De Lima kung ano ang nagawa ng dating kalihim ng DOJ para sugpuin ang talamak na iligal na droga sa loob mismo ng NBP. Lampas limang taon na naging pinuno ng DOJ si De Lima pero hindi niya nagawang maglunsad ng crackdown sa mga drug lord sa NBP.

Noong Hulyo 29, inihayag naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may isinasagawa nang imbestigasyon ang DOJ hinggil sa mga korapsyon at iba pang anomalya sa naturang kagawaran kabilang na ang NBP sa ilalim ng administrasyon ni De Lima.

Dalawang linggo pagkatapos ng pahayag ni Aguir­re ay nagsabi naman sa media si Duterte na may isang babaeng opisyal sa pamahalaan na kanyang wawasakin dahil sa patuloy na pagbatikos sa kanya mula pa noong mayor siya ng Davao City.

At nangyari nga ang inaasahang, si De Lima ang pinatutungkulan ni Duterte nang sabihin niya sa isang talumpati na isang senador ang tumanggap ng campaign contributions mula sa mga drug lord na ang driver-lo­ver niya pa ang nangolekta mula sa mga contributor.

Sabog na sa media ang mga detalye tungkol sa driver ni De Lima na si Ronnie Dayan at pati nga ang malaking bahay nito sa Urbiztondo, Pangasinan ay inilabas na ng ilang media outlets.

Nagsalita na rin si De Lima sa isang madamda­ming press conference sa Senado noong Huwebes at sa kanyang pananalita ay hindi rin siya matitinag sa pag-iimibestiga sa mga extrajudicial killings ng mga drug pusher.

Nagsisimula pa lang ang showdown sa pagitan ni Duterte at ni De Lima at nakaantabay ang buong ba­yan sa mangyayari sa Senate committee on justice hearing sa darating na Lunes. Abangan…