Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng grupong ipantatapat sa Sparrow Unit ng New People’s Army (NPA).

Sa kanyang pagbisita sa Camp Rajah Sikatuna sa Carmen, Bohol kahapon, sinabi ng Pangulo na magbubuo ito ng grupo para ipantapat sa liquidation unit ng kilusang komunista.

Target ng bubuuing sparrow group ay ang mga hinihinalang NPA na nagmamanman at nag-iis­tambay sa mga kanto para bantayan ang kanilang lilikidahin.

“I am announcing today that I will create my own Sparrow. Walang hanapin kundi ‘yung mga istambay na mga tao diyan na suspected NPA at bibirahin rin sila. I will match their talent also for assassinating people. May armas yon sigurado,” anang Pangulo.

Pinayuhan ng Presidente ang mga sundalo sa ma­ging alerto kapag sila ay lumalabas sa kampo at kung maaari ay may ka-partner para maging back-up sakaling inabangan sila ng mga rebelde.

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang bubuuing death squad ay ikakalat sa mga lugar na maraming tao, ka­rinderya at mga panggabing aliwan.

“Mag-create ako ng Sparrow. Duterte death squad against Sparrow. I’m trying to make peace with them ayaw nila, tapos pinapatay mga pulis at sundalo ko,eh di payayin rin sila,” dagdag pa ng Pangulo.

Bago umalis ang Pangulo sa kampo ng mga sundalo ay namigay ito ng mga side arm at mga bagong hou­sing unit.