Nilinaw ng Malacañang na para sa mga mambabatas na miyembro ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP)-Laban ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na madaliin ang impeachment proceedings laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ang paglilinaw ay ginawa ng Malacañang makaraang pumalag ang ilang mambabatas na nagsabing hindi sila ‘puppet’ o sunud-sunuran lang kay Pangulong Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang panawagan ng Pangulo ay para sa mga kanyang kapartidong kongresista at ginawa ito sa kanyang kapasidad bilang chairman ng partido.

“The President, as party chairman of PDP-Laban, called for the impeachment of Chief Justice Sereno. This was directed to the House of Representatives members belonging to the PDP-Laban,” ani Roque.

Bilang Chairman aniya ng PDP-Laban, may kapangyarihan at karapatan si Pangulong Duterte na atasan ang mga kapartido para unahin ang impeachment case ni Sereno.

Nagalit ang Pangulo matapos akusahan ni Sereno na siyang nasa likod ng inihain na quo warranto laban sa kanya sa Korte Suprema pati na rin sa nakahaing impeachment complaint sa mababang kapulungan ng kongreso.

Sinabi ng Pangulo na dahil sa kadadaldal ni Sereno at pilit na pagdidiin sa kanya, magiging kaaway na niya ito at tutulong sa mga imbestigador para mapabilis ang pag-usad ng kanyang kinakaharap na mga asunto.

Ang utos ng Pangulo sa mga kaalyadong mambabatas ay pinalagan ng mga miyembro ng Makabayan Bloc.

“This further erodes any semblance of decency or democracy that this regime hopes to project as it consolidates power by eliminating critics in order to complete its dictatorial designs,” ayon sa statement nina Gabriela Party-list Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas.