Duterte ‘di takot sa virus

Walang pagbabago sa mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa may bagong naitalang kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na kilala ang Pangulo na hindi iniintindi ang kaligtasan kahit may virus o panganib kaya tuloy lang sa trabaho maliban na lamang kung mayroong pagbabago sa kanyang mga lakad.

“Knowing the President who couldn’t care less about his own safety from whether virus or any o­ther harm, he will proceed the schedule, unless there are other events that will change his movements,” ani Panelo.

Isinasapinal na ng Palasyo ang mga aktibidad ni Pangulong Duterte sa mga tourist destination sa bansa para i-promote ang turismo sa harap ng pagkalat ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

Workaholic aniya ang Presidente at hindi niya nakikitang lilimitahan ang pakikihalubilo nito sa publiko, maliban na lamang kung sasawayin siya ng Presi­dential Security Group (PSG).

“This President is so workaholic. I dont think so, knowing him. But of course the PSG doesn’t want that,” dagdag ni Panelo.

Nakatakdang bumisita ang Pangulo sa Boracay island sa March 12 para palakasin ang domestic ­tourism ng bansa. (Aileen Taliping)