Nairita at dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa mabagal na pamamahagi ng tulong sa mga mahihirap na apektado ng krisis sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19 pandemic).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi natutuwa ang Pangulo sa patuloy na paghihintay ng tulong ng maraming Pilipino.
Nabatid ng Pangulo na hindi pa nakukumpleto ng mga local executive ang pamimigay ng Social Amelioration Program (SAP) kahit natapos na ang deadline nitong April 30.
“Talagang na-frustrate po si Presidente, in fact medyo nairita na bagamat nandoon ang pera, hindi nakarating. Ang katunayan naman, malinaw na naibigay sa LGU,” ani Roque.
Matatandaang binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na posibleng makasuhan dahil sa kapabayaan sa tungkulin kapag hindi nagawa ang pamamahagi ng tulong pinansiyal.
“Noong una nga sinabi niya kinakailangan ibigay bago ang deadline, otherwise show cause and possibility of dereliction of duty,” dagdag ni Roque.
Pero nagpaliwanag aniya ang mga alkalde at nagsabing handa silang magpakulong dahil hindi talaga makayang ipamigay dahil ipinagbabawal ang maramihang pagtitipon.
Naniniwala si Roque na naiintindihan naman ni Pangulong Duterte ang sitwasyon dahil kinakailangan talagang ipatupad ang social distancing.
“Sa tingin ko naintindihan naman ni Presidente `yan bilang isang mayor,” wika pa ni Roque.
Dahil dito nanawagan si Roque sa mga local government unit (LGU) na tapusin ang pamamahagi ng SAP sa loob ng pitong araw na extension para masimulan ang pamimigay ng ikalawang tranche ng SAP ngayong Mayo. (Aileen Taliping)