Ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang naging pahayag kaugnay sa naganap na paggunita ng mga Katoliko sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

“The President’s remarks, as described by news articles, were said in jest,” ayon kay Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na ang biro ay biro na hindi na kinakailangan pa ng paliwanag kahit pa ito ay may kinalaman sa relihiyon.

Una nang ginawang katatawanan ni Duterte ang naturang selebrasyon matapos niyang sabihin “Happy All Saints’ Bakit naman…tarantado talaga itong mga Katoliko ang puta, bakit ba may All Souls’ Day at All Saints’ Day?” ayon kay Duterte sa post-disaster command conference sa Isabela.

“Hindi natin alam kung sino mga santo na ‘yun. Mga gago na iyon, mga lasenggo. Dito na lang kayo. I’ll give you a patron. Get hold of a picture of mine, iyan lagay niyo sa altar, Santo Rodrigo,” dagdag pa ni Duterte.

Idinagdag pa ni Panelo na pinagagaan lamang ni Duterte ang seryosong sitwasyon sa nangyaring danyos ng bagyong Rosita.

Aniya, ang mga reporters at mga Katolikong audience ay hindi naman na offend sa sinabi ng Pangulo.