Pinawi ng Malacañang ang agam-agam ng mga senador sa posibilidad na makompromiso ang seguridad ng bansa dahil sa P20 bilyong closed-circuit television (CCTV) pro­ject ng China at Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) gamit ang mga equipment ng kompanyang Huawei na ipina-ban ng ibang bansa dahil sa isyu ng pag-eespiya.

“We understand the apprehension of some senators but this go­vernment will not allow any security leaks. Hindi tayo papayag non,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ikinukunsidera ani­ya ng Malacañang na mahalagang proyekto ang ano mang hakbang na makakapagbigay ng progreso sa bansa.

Pero kung hahadlangan ito ng mga mambabatas dahil lamang sa agam-agam ay tiyak na gagawa aniya ng hakbang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaalala ni Pane­lo na mayroong veto power ang Pangulo na maaari nitong gamitin bilang opsyon kung inaakalang wala namang malinaw na batayan ang ipinag-aalala ng mga mambabatas.

Bukod sa usaping panseguridad, iginiit din ni Senador Ralph Recto na ang proyekto ay kulang sa pag-aaral at konsultasyon bukod pa sa minadali rin umano ang kasunduan.