Happy, saludo at bina­bati ng Filipino community­ at grupo ng mga overseas Filipino workers OFWs sa Saudi Arabia­ ang adminis­trasyong Duterte sa pag-organisa sa Humanitarian Mission na ang layon ay tulungan ang may 8,000 na-layoff na mga stranded OFW sa Saudi Arabia.

Pero mas masaya, ayon­ sa United Overseas Filipino­ Worldwide (U-OFW) at OFWs for Peace Coalition (OPC) kung ipagpapatuloy ng gobyernong Duterte ang pagtulong sa mga libu-libo pang mga stranded at undocumented OFWs sa Saudi.

Ang Humanitarian­ Mission ay binubuo ng mga team mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno­ ka­tulad ng ­Department of ­Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration­ (POEA), Overseas Workers Welfare­ Administration (OWWA), ­Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD), Department of Health (DOH), at Technical and Skills Deve­lopment Administration (TESDA).

Tumagal ang mission ng halos tatlong Linggo na sinimulan noong kalagitnaan ng buwan ng Agosto taong kasalukuyan at nagtapos bago ang Hajj holidays.

Sa tinatayang 8,000 mga na-layoff at strande­d OFWs mula sa siyam na kumpanya sa Saudi ay nasa 3,000 ang na-repatriate­. Subalit mayroon pang 2,000 na kapareho rin ng sinapit ng mga naunang na-repatriate, ­ayon sa U-OFW, ang nagnanais ding ma-­repatriate na sana­ ay matulungan din ng pamahalaan.

Mukhang agad namang narinig ng kinatawan ng pamahalaan ang apelang ito ng grupong pinamumunuan ni G. Monterona dahil ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwal­o na may daan-daan pang mga OFWs na stranded pa rin sa Saudi ang pinag-aaralang tulungan din ng pamahalaan upang makabalik ng Pilipinas.

Sa tala ng U-OFWs­ bukod sa sinasabing daan-daan pang OFWs na pinaplanong saklolohan ng gobyerno sa pangu­nguna ng DSWD ay marami pang kababayan natin, ayon kay Monterona, ang naghihintay na maayudahan ng pamahalaan.

Kaya wish ng grupo­ ay bumuo ang pamahalaan ng Humanitarian Mission 2 na bubuuin din ng mga kahalintulad na mga ahensya ng gobyernong nagpatupad ng unang­ mis­yon upang mas maraming­ stranded, distressed at ­undocumented OFWs ang matulungan.

Tama si Ginoong Monterona na ang pagpapauwi sa mga kababa­yan nating OFWs na strande­d sa ilang bahagi ng Saudi­ ay maituturing na maagang Pamaskong kanilang matatanggap sa gobyernong Duterte.

Nauunawaan natin ang kahilingan ng ating mga OFWs pero sana maging maingat na ang mga ito sa pag-a-apply ng trabaho at higit sa lahat ay tiyaking dumaan sa tamang pro­seso ang pag-eempleyo upang walang aberyang kakaharapin saanmang bansa ito mapadpad.

One Response

  1. Patuloy pa rin po kaming umaasa, kaming mga naiwan at kasalukuyang narito sa Jeddah under Saudi Oger sponsorship, na sana ay makauwi na rin kami gaya ng mga naunang repatriated workers. Hirap na hirap na po kami sa sitwasyon namin dito, na araw-araw iisipin mo kung paano makakasurvive dahil walang makain. Sabik na sabik na rin po kaming makasama ang aming pamilya na halos ilang taon na naming hindi nakapiling. Kaya, nais ko po sanang maipaabot ninyo sa ating gobyerno o mabasa man lng ang komento kong ito ng sa ganon ay mabigyan ng agarang aksyon ang pagpapauwi sa amin. Wish ko lang po, sana sa darating na kapaskuhan makapiling ko na ang pamilya ko, na halos apat na taon ko ng hindi nasisilayan. Thank you po sa mga taong nagmamalasakit at nagbibigay pansin sa aming mga ofw’s dito sa middle east, at ganun din po sa ating pinakamamahal na Pangulong Rodrigo Duterte. Mabuhay po kayo & God Bless!