Nakatingin ang administrasyong Durterte sa Japan ngayon para sa posibleng bagong pautang dahil papaspasan na nito ang programang Build Build Build.
Sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III kahapon, nakikinita na niya ang mas maraming pagkakataong umutang mula sa Japan at humingi ng technical support.
Nakipagpulong si Dominguez kahapon kay Japan Foreign Affairs Minister Toshimitsu Motegi.
“As our ambitious ‘Build, Build, Build’ infrastructure program accelerates this year, we see more opportunities for financing and technical support from the Government of Japan,” sabi ni Dominguez.
Ayon kay Motegi, handa ang Japan na magpautang ng hanggang $3 bilyon sa ilalim ng bago nitong lunsad na Overseas Loan and Investment Initiative for ASEAN.
Sabi ng Department of Finance, sinusuportahan ng Japan ang Build, Build, Build na programa. Dagdag ng DOF, sinusuportahan din ng Japan ang Mindanao at nag-alok na ito ng suporta para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang Japan ang pinanggagalingan ng pinakamaraming overseas development assistance fund ng Pilipinas.
Pinasalamatan ni Dominguez ang Japan sa paggawa ng masterplan para sa development ng Subic Bay at tumulong din ito sa pagdevelop ng Clark special economic zone. (Eileen Mencias)