Namimiligrong makatikim ng sampal mula kay Pangulong Rodrigo Duterte si Daraga, Albay mayor Carlwyn Baldo sa kanyang pagbisita muli sa Bicol region ngayong Biyernes.
Kasunod rin ito ng direktang pagtukoy ng Philippine National Police (PNP) kay Baldo na utak sa pagpatay kina Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe at police escort na si SPO1 Orlando Diaz.
Binalaan ng Pangulo si Baldo na huwag magkakamaling takutin ang asawa at anak ni Batocabe dahil pupuntahan niya ito sa munisipyo at sasampalin ito.
Pinag-iisipan pa ng pamilya Batocabe kung ang biyuda o anak nito ang patatakbuhin para labanan si Baldo sa Daraga.
“Meron man talagang tatakbo, yung relative, the wife or the son. Do not…kasi pag ginawa mo yan, puntahan kita putangina mo, sampalin kita diyan ss munisipyo. You want to try it? Sige bukas nandoon ako. Pag hindi kita nilampaso diyan sa…,” ang galit na pahayag ng Pangulo.
Nakatakdang bumisita ngayong Biyernes ang Presidente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Usman sa Bicol Region kung saan marami ang naitalang namatay at nawawala dahil sa mga flashflood at landslide. (Aileen Taliping)