Duterte inisahan ng Matibag couple

Kinastigo ni Party-list Rep. Jericho Nograles ang kampo ni National Transmission Corporation (TransCo) president Melvin Matibag dahil sa pagtukod sa operating agreement sa pagitan ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) at kompanyang may P7,000 kapital lamang subalit nagpapatakbo ngayon ng multi-billion wholesale electri­city spot market (WESM).

Ginawa ni Nograles, senior vice-chair ng House Committee on Energy at kinatawan ng PBA Party-list ang pahayag matapos maglabas ng statement ang kampo ni Matibag, sa pamamagitan ni TransCo spokesman Andres de Jesus na ‘above board’ ang operating agreement na pinasok ng PEMC — isang government-owned and controlled corporation (GOCC) — sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines, Inc. (IEMOP).

Binasag ng kongresista ang pahayag ng tagapagsalita ni Matibag dahil sa maraming republic act ang nilabag umano sa pag­lilipat ng market operation ng PEMC sa isang private entity.

Aniya, sa ginawang deal ng PEMC at IEMOP, sinapawan nito ang kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas “by allowing the transfer of government-owned assets to a private company without his approval.”
“I am sure that President Rod­rigo Duterte is unaware of this deal,” saad ni Nograles.
“Sigurado ako blindsided ang Pangulo dahil bago pa mailipat ng PEMC mga assets na ngayong ginagamit ng IEMOP, kakaila­nganin ang pirma ng Pangulo, ayon sa RA 10149,” dagdag pa niya.

Nanindigan si Nograles na ang PEMC–IEMOP WESM deal ay paglabag sa Republic Act 10149 o ang ‘GOCC Governance Act of 2011’.

Sa ilalim ng nasabing batas, kinakailangan ng GOCC na katulad ng PEMC na humingi ng endorsement mula sa Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations (GCG) saka aaprubahan ng Pangulo bago mailipat ang anumang asset o function sa private entity tulad ng IEMOP.

“They are citing provisions of the EPIRA Law but are sidestepping on other laws like the Procurement Law, the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, the Plunder Act, the GCG Act, among others. The overriding conside­ration on all government tran­sactions should be public interest and our people’s welfare,” diin ni Nograles. (JC Cahinhinan)