Ngayon pa lamang ay naghahanap na si Pangulong Rodrigo Duterte ng pondo para ipambili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Inihayag ito ng Pangulo matapos makadiskubre ng bakuna ang pharmaceutical company na Moderna Inc. at nagsasagawa na umano ng mga test sa ilang volunteer kung saan positibo ang naging resulta nito.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe sa bayan Martes ng gabi na nais niyang makabili agad ng bakuna sa sandaling maaari na itong ibenta.

“Im looking for money to–balikan ulit dito kasi nag-usapan tayo ng pera na may pera ako pangbili ng vaccine just in case somebody else would beat the Moderna to the vaccine,” anang Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na maraming bansa ang naghahabulan para makabili ng bakuna kontra COVID kaya kailangang may nakahandang pera ang gobyerno para makabili agad ang Pilipinas.

“Many countries are on the verge of–lumalaput na sila, naghahabulan. Kailangan may pera ako niyan kasi bili kaagad tayo,” dagdag pa ng Pangulo.

Matatandaang naglabas na ng bilyon-bilyong pondo ang gobyerno nitong nakalipas na buwan bilang ayuda sa mahigit 18 milyong mahihirap na pamilyang Pilipinong apektado ng krisis sa COVID-19.

Sinabi ni Pangulong Duterte na isa sa mga tinitingnang opsiyon ng gobyerno ay mangutang ng malaking pondo para makabili ng bakuna kontra COVID-19.(Aileen Taliping)