Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na ang 19-anyos na si Ashley Abad ang may-ari ng esctasy na siyang dahilan ng pagkamatay nito noong Enero sa Cebu City.
Hinayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati kahapon sa Rizal Hall ng Palasyo, kasabay ng pagdeklara nito ng mas malupit na giyera laban sa iligal na droga.
“Nakita nila, na-recover ng forensics examination pati ‘yung… She was the one who was actually texting another girl na maghati sila doon kasi ‘yung isa, reserba niya para sa kanyang boyfriend,” ani Pangulo.
Una nang tinanggi ng nobyo ni Abad na si Nel Spencer Tiu, na hindi ito ang nagbigay ng party drug sa dalaga na nasawi matapos mag-collapse sa isang pre-Sinulog concert noong Enero 19.
Bago ang anunsyo ng Pangulo, sinabi ng Cebu City Police Office na tukoy na nito ang salarin sa pagkamatay ni Abad, ngunit hindi pa umano papangalanan upang hindi makaapekto sa ginagawa pang imbestigasyon.