Duterte kinampihan sa basura

Nakahanap ng kakampi sa Senado si Pangulong Rodrigo Duterte sa plano nitong imbestigahan ang discretionary funds ng local government units (LGUs) lalo na sa usapin ng basura.

Nanindigan si Sen. Loren Legarda na walang lusot ang LGUs sa hindi pagsunod sa batas ng solid waste management dahil bukod sa mayroon silang discretionary funds, ipinag-uutos din ng batas ang solid waste management.

Ayon kay Legarda, may 15 taon nang umiiral ang Ecological Solid Waste Management (EWSM) Law o ang Republic Act 9003.

Hangarin ng batas na magkaroon ng malinis na kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng sistema ng solid waste management mula sa segregation ng basura, “segregated transportation, processing, treatment and proper disposal of solid waste.”

Ineengganyo din ng batas ang recycling upang mabawasan ang basurang itatapon sa sanitary landfill.

Nalulungkot si Legarda na mayorya ng LGUs ay hindi pa makasunod sa probisyon ng RA 9003, partikular sa decentralization ng waste collection, submission of Solid Waste Management (SWM) Plan, paglikha ng local SWM boards, pagtayo ng Materials Recovery Facilities (MRF), pagsasara ng lahat ng open and controlled dumpsites, at ang mandatory waste diversion.

Sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa katapusan ng  2015, nasa 36 percent lang ng LGUs ang sumunod.