Duterte kuntento sa trabaho ng mga Cabinet member

Masaya at kuntento si Pangulong Rodrigo Duterte sa trabaho ng kanyang gabinete kahit pa nahaharap ngayon sa kontrobersya si Budget Secretary Benjamin Diokno kaugnay sa nakabinbin na 2019 proposed national budget.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar matapos dumalo ang Pangulo sa kanilang Christmas party noong Biyernes nang gabi.

Ayon kay Andanar, masaya ang Pangulo at sa kabuuan aniya ay masaya ito sa performance ng kanyang gabinete.

Proud aniya ang Pangulo dahil sa kabila ng karamihan sa miyembro ng gabinete nito ay mga dating militar, ay maayos ang takbo ng pamahalaan.

Sinabi ni Andanar na nagsalita ng kaunti si Pangulong Duterte tungkol sa nangyari kay Diokno sa Kongreso subalit hindi ito nagbigay ng detalye.

Ang ipinaalala lamang aniya ng Presidente sa kanyang mga gabinete ay iwasan ang korapsiyon.