Noong Enero 17, inilunsad ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang “Duterte Legacy”, isang kampanyang public relations na magtatampok ng mga nagawa ng administrasyong Duterte na maipagmamalaki at maipamamana nito sa susunod na henerasyon. Nakatuon ito sa tatlong diin umano ni Pangulong Duterte: peace and order, imprastruktura at pagpapaunlad ng ekonomiya, at paglaban sa kahirapan.
Noong Enero 30, wala pang dalawang linggo matapos ang naturang launching, iniulat ng Department of Health ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, isang 38-taong gulang na babaeng Tsino na naospital sa San Lazaro.
Umani ng batikos mula sa ilang panig ang Malacanang sa paglunsad nito ng kampanyang Duterte Legacy. Kinuwestyon ang mga datos na itinanghal ng PCOO, tulad ng antas ng implasyon, bilang ng walang trabaho, mga pamilyang nagugutom, at mga proyektong pang-imprastruktura na nakumpleto ng kasalukuyang administrasyon. May ilan namang nagsabi na, yamang nasa kalagitnaan pa lang ng termino ni Duterte, napakaaga pa para ilista at ipagmalaki ang anumang “legacy”.
Sa kalagayang rumaragasa sa loob ng bansa at sa buong daigdig ang pandemya ng COVID-19, mukhang may punto sila. Nasa 6,599 ang kumpirmadong kaso sa Pilipinas ngayon, habang 437 ang naitatalang patay. Sa buong daigdig, may 2.43 bilyong kaso at 167,369 patay. Dahil wala pang mabisa at ligtas na bakuna laban sa severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2), ang virus na nagdudulot ng sakit na tinatawag na COVID-19, tinatayang aabot ng dalawa hanggang apat na taon pa bago makatuklas ng bakuna, mamanupaktura, maipamahagi sa bawat sulok ng mundo, at maturukan ang mayoyra ng populasyon ng bawat bansa, upang ganap na mapawi ang banta ng virus sa kalusugan nating lahat.
Kung gayon, hindi maiiwasan ni Pangulong Duterte ang ganitong katotohanan: susukatin ang Duterte legacy sa magiging tugon ng kanyang administrasyon sa krisis ng COVID-19 mula ngayon hanggang 2022.
Mapananatili kaya ni Duterte ang kanyang walang kapantay umanong mataas na satisfaction rating sa mga survey? Matitiyak kaya niya ang tagumpay sa halalang 2022 ng kanyang hihiranging kapalit? Nakadepende ang mga ito sa mga hakbang na ipatutupad ng kanyang administrasyon ngayon at sa hinaharap.
Ngayon pa lamang, nalalantad ang kakapusan ng kamay na bakal na estilo ng pamamahala ni Duterte para epektibong pigilan ang paglaganap ng COVID-19. Nangungulelat ang Pilipinas sa mass testing, tracing, at containment. Sa ika-anim na linggo ng lockdown, hindi pa rin nabibigyan ng pambansang gobyerno ng ayuda ang mahigit 13 milyong pamilya.
Paano imamaniobra ng administrasyong Duterte ang pagluwag sa lockdown? Ang muling pagbuhay ng manupaktura at komersyo? Paano haharapin ang paglobo ng bilang ng walang trabaho at nagugutom? Ang pagbagal ng kalakalan at pamumuhunan mula sa US, China, Japan, at Europa na pangunahing merkado ng mga export at pinagmumulan ng dayuhang kapital? Paano haharapin ang posibleng pagbawas sa pangangailangan ng ibang mga bansa sa mga overseas Filipino worker at pagliit ng dollar remittances? ‘Yan ang mga katanungang huhubog sa Duterte Legacy hanggang 2022.