Payag na si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatuloy ang water concessionaire contract ng Maynilad at Manila Water basta bayaran ang perang sobra-sobrang siningil sa mga tao.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang mensahe sa bayan nitong Huwebes ng gabi na inilabas Biyernes ng umaga .

Sinabi ng Pangulo na sisimulan na niyang i-review ang kontrata ng mga Ayala at ni Manny Pangilinan at papayag siyang magbayad ng paunti-unti ang mga ito sa gobyerno.

“I will review the contract that are proposed by the government panel to the Ayala and Pangilinan consortium. Ako ok na ako basta mabawi lang yung pera ng tao, even in installements but you have to make some arrangements,” anang Pangulo.

Mahalaga aniya ang tubig sa buhay ng mga tao kaya kumalma ito sa kanyang galit sa dalawang kumpanya, basta ang mahalaga ay maisoli ang sobrang siningil ng mga ito sa mga tao.

“Nagkalma ako kasi whether I like it or not, water is very important in our lives. So ok na lang ako, but yung nawala sa tao kung ano ang nawala sa kanila, that has to be paid back. Whether installments over a period of years but you have to return the money to the people. Yun lang, ok na ako,” dagdag ng Pangulo.

Bukas aniya ang gobyerno para sa bagong kontrata sa Maynilad at Manila Water subalit kung aayaw ang nga ito ay walang ibang opsiyon kundi kasuhan ang mga ito sa korte.

Aminado si Pangulong Duterte na hindi niya nagustuhang ginawang gatasan ng dalawang water company ang mga tao kaya namura niya ang mga may-ari ng kumpanya.

“You can have your contract if it is to your liking, but if it is not then we proceed to another phase, which is really filing of cases. Ako naman in the process ako’y adamant and said a few harsh words to which I apologize sa galit ko yun naloko ang tao ilang taon,” wika pa ni Pangulong Duterte.

Ang kailangan lamang aniya ay isang patas na kontrata para makapagpatuloy ang dalawang water concessionaire ng kanilang negosyo at tiyaking isauli ang pera ng taongbayan.(Aileen Taliping)