Duterte lumitaw matapos ang 8-araw na absent

Nagpakita na sa publiko kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte makaraan ang halos walong araw na pagiging absent, sa ginanap na presentation of credential ni bagong talagang Thailand Ambassador to the Philippines na si Vasin Ruangprateepsaeng sa Malacanang.

Huling nakita ng publiko si Pangulong Duterte noong noong Mayo 13 matapos itong bumoto sa Davao City.

Kumalat din ang mga balita na sinugod sa Cardinal Santos Me­dical Center ang Pangulo noong Linggo.

Natukoy naman na fake news ang nasabing ba­lita na inatake ito sa puso makaraang maglabas ng larawan si presumptive Senator Bong Go kung saan kasama nito ang Pangulo sa Bahay ng Pagbabago.

Naging mainit na isyu ang kalusugan ni Duterte makaraang aminin nito na sumailalim siya sa colonoscopy at endoscopy noong 2018.

Muling binigyang-diin ng Palasyo na lantad at wala silang dapat itago tungkol sa estado ng kalusugan ng Pa­ngulo.

“You must remember that the President is very transparent on his health condition,” sabi pa ni Pre­sidential Spokesman Salvador Panelo.