May dahilan kung bakit hindi basta-basta pumipirma sa mga importanteng dokumento na isinusumite sa kanyang tanggapan si Pangulong Rodrigo Duterte. Binanggit niya ito matapos usisain ng mga mamamahayag kamakalawa hinggil sa Rice Tariffication Bill at Expanded Maternity Leave Bill na naghihintay na lamang ng kanyang pirma para maging ganap na batas.

Bukod sa kulang ang kanyang panahon para matapos ang mga nakatambak na trabaho, sinabi ng Pangulo na sangkaterbang dokumento ang kailangan niyang pirmahan kaya naghahabol siya. Kaya kahit nasa Davao City aniya ay nagtatrabaho siya at pumipirma ng mga dokumento. “Isang katerba hanggang sahig. I have 6,000. The government needs 6,000 signatures.

Ngayon maghabol ako,” anang Pangulo. Ayon kay Pangulong Duterte, nag-iingat siya sa mga pinipirmahang dokumento dahil ayaw niyang matulad kay dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nakasuhan dahil sa mga marginal note nito sa pinirmahang dokumento.

Dinadala umano niya pag-uwi sa Davao City ang ilang mga dokumento para mapag-aralan bago pirmahan. Iaanunsiyo na lamang umano niya ang mga mahalagang dokumento na kailangan ng publiko gaya ng mga bagong batas na pakikinabangan ng mga Pilipino. Matatandaang sinampahan si Arroyo ng plunder case kaugnay sa kuwestiyonableng pagpapalabas ng P366 milyong intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ibinatay ang kaso kay Arroyo sa kanyang marginal notes sa kahilingan na ilabas ang naturang pondo. Kalaunan ay pinawalang-sala ito at ang iba pang kapwa akusado sa plunder case.