Tiniyak kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na malakas si Pangulong Rodrigo Duterte kahit mayroon itong bagong karamdaman, at kaya nitong gampanan ang pinakamahirap na tungkulin bilang Pa­ngulo ng bansa.

Ito ang reaksiyon ni Duque matapos ang pag-amin ni Duterte na meron siyang sakit na ‘Myasthenia Gravis’.

Ang bagong sakit na binanggit ni Duterte ay dropping eye lid o may technical term na ‘Ptosis’.

Nilinaw pa ni Duque na ang naturang karamdaman ay hindi rin seryoso at hindi makakasagabal sa producti­vity o pang-araw-araw na gawain ng sinumang indibidwal na mayroon nito tulad ni Duterte.

Bilib din umano si Duque sa tibay ng presidente na pagkagaling sa Russia, ay tumuloy pa sa ibang mga commitment nito.

Ayon kay Duque, may ilang pinupuntahan pa ang punong- Ehekutibo na hindi na nako-cover ng media, gaya ng mga burol at iba pa pero lahat ito ay nagagawa ng Pangulo dahil stable naman ang kalagayan nito.

Sinabi pa ni Duque, talagang malakas ang Presidente na sa tuwing may Cabinet meeting ay nag-uumpugan na ang ulo ng mga miyembro ng gabinete sa antok at pagod, pero ang pangulo ay tila walang kapaguran kahit madaling-araw na kung matapos ang kanilang pulong. (Juliet de Loza-Cudia)