Duterte malaking tulong sa pag-angat ko sa survey – Bong Go

By Aileen Taliping

Ibinigay ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go ang kredito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-angat nito sa mga pre-election survey.

Kasunod ito ng patuloy na pagiging number 3 ni Go sa survey nitong Marso mula sa dating 22-27th spot noong September 2018, isang buwan bago ito magsumite ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ng dating top aide ng Pangulo na ma­laki ang impluwensiya ni Pangulong Duterte sa pag-angat nito sa mga survey dahil maraming mga Pilipino ang naniniwala at nagtitiwala sa pangangasiwa ng Presidente sa bansa.

“Sa akin, unang una dahil po ito kay Pa­ngulong Duterte. Iyong tiwala nila sa gobyerno ni Pangulong Duterte ay nadala rin po ako. Guide naman po itong surveys. Maraming salamat po, ibig sabihin tumataas ang tiwala sa akin ng mga kababayan natin,” ani ni Go.

Binisita ni Go ang Taal, Batangas nitong Biyernes kung saan nagmula ang kanilang angkan at nagalak siya dahil kahit hindi siya ipinanganak dito ay mainit ang pagtanggap sa kanya ng mga tao.