Duterte maraming giyerang kinaharap

Sa pagtatapos ng taon, nakaabang ang taumbayan sa ulat hinggil sa nagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 2019.

Bukod sa una na nitong inilunsad na giyera kontra iligal na droga o war on drugs, iba’t ibang laban ang kinaharap ng Pa­ngulo kaugnay sa mga isyu na kinaharap ng bansa.

Narito ang ilan sa mga ginawang proyekto, desisy­on at kautusan ng Pangulo ngayong taon.

Isa sa maituturing na nakamit at nagawa ng administrasyon sa unang buwan ng 2019 ay ang pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng plebisito, kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nagpasya ang taumbayan na magkaroon ng mga bagong magpapatakbo sa rehiyon sa layuning maisulong ang mga tunay na report at pagbabago sa mga lugar na sakop ng BARMM.

Naging usap-usapan din hindi lamang sa bansa kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang ipinatupad na rehabilitas­yon sa Manila Bay kung saan nagkaisa ang daan-daang volunteer mula iba’t ibang sektor para sa paglilinis sa dati ay mala-dagat na basurang tanawin. Tinagurian itong ‘Battle for Manila’.

Marami ang namangha dahil naibalik ang dating ganda ng Manila Bay at dinayo pa ito ng mga dayuhan para personal na makita ang resulta ng rehabilitasyon na sa ilalim lamang ng Duterte administration nangyari.

Mga kinandadong establisimyento
Sinundan ito ng pagkandado ng Departmenf of Environment and Natural Resources sa ilang establisimyento na diumano’y lumabag sa batas para sa kalikasan. Kabilang dito ang HK Sun Plaza, Tramway Bayview Buffet Restaurant, at Aristocrat Restaurant pawang sa Roxas Boulevard.

Isa rin sa mga ipinagmamalaki ng Duterte administration ay ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong tambay at nagkaroon ang mga ito ng trabaho dahil sa mga kabi-kabilang infrastructure project sa ilalim ng Build, Build, Build program.

Isama na rin sa mga accomplishment ng administrasyon ang bumabang bilang ng mga mahihirap na Pilipino kung saan naitala ang bumabang antas ng kahirapan mula 23.3% noong 2015 at ngayon ay 16.6% sa loob ng tatlong taon, pinakamababang record ito simula noong 1986.
Mga pinirmahang batas
Mayroon ding mga mahahalagang batas na nilagdaan si Pangulong Rodrigo Duterte na mapapakinabangan na ng maraming Pilipino gaya ng expanded maternity leave, universal health care, mandatory PhilHealth coverage para sa lahat ng may kapansanan, at ang pagiging ganap na batas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, at student fare discount act na makakagaan sa gastusin ng mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak.

Pero sa kabila ng mga positibong nagawa ng kasalukuyang administrasyon ay may mga pagsubok din itong pinagdaanan gaya na lamang ng tumaas na inflation rate kung saan tumaas lahat ang presyo ng mga pangunahing bilihin subalit nagawa ring mapababa ito kalaunan.

Supplier ng tubig nirendahan
Sumirit din ang ‘water war’ nang magbabala ang Pangulo hinggil sa kontrata ng dalawang water concessionaire na nagsu-supply ng tubig sa Metro Manila.
Nag-ugat ito makaraang pagbayarin ng Manila Water at Maynilad ng kabuuang higit P10 bilyon ang gobyerno bilang danyos umano dahil sa hindi pagtupad ng huli sa kontrata.

Dahil dito, nais ng Pangulo na bawiin ang extention ng kontrata sa dalawang kompanya.

Bago pa ito, nakaranas na ng krisis sa tubig ang malaking bahagi ng Metro Manila kung saan ayon sa Pangulo ay literal na namaho ang mga tao dahil sa pagkontrol ng dalawang water concessionaire sa supply ng tubig sa hangaring makapagtaas ng singil sa tubig.

Umaasa ang Malacañang na sa pagsapit ng 2020 ay mas marami pang mga magagandang mangyayari sa bansa para sa kapakinabangan ng mga Pilipino. (Aileen Taliping)