Para kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, mas importante ang kapakanan ng bansa na isinusulong ni Pangulong Duterte kesa sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho kapag hindi na-renew ang prangkisa nito bago o mismong si Marso 30, 2020.
“What is 11,000 compared to the whole Filipino nation na matagal nang sinamantalahan ng isang kompanya kung talagang ma-prove ‘yan sa hearing?” sabi ni Dela Rosa nang tanungin kung ano ang masasabi niya sa mga manggagawa ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho kapag tuluyang magsara ang Kapamilya network.
Marami umanong ginawang paglabag ang ABS-CBN Corporation kaya’t nararapat lang hindi na ito i-renew o muling pagkalooban pa ng panibagong prangkisa, ayon sa senador.
“Kung mabigat ‘yung akusasyon na talagang maraming violation ang ABS, bakit mo pa i re-renew. Sinamanlala nang husto ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino, bakit n’yo pa i-renew?” pahayag ni Dela Rosa sa panayam kahapon ng mga reporter.
“I will live and die with the President. May bias ako towards my President,” sabi pa ni Bato.
Magugunita na lantaran ang ginawang pagharang ni Pangulong Rodrido Duterte sa pagre-renew ng bagong prangkisa ng Kapamilya network.
Bagama’t lantaran ang pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa franchise renewal ng ABS-CBN, ang magiging desisyon ay base sa kanyang konsensiya.
“No, I’m not blind. I have my own mind. It’s just so happened that our minds are synchronized, our minds are parallel, our minds are going in the same direction but I’m not blind. I’m using my mind,” sabi ni Dela Rosa.
Pero iginiit nitong sang-ayon naman siya sa mga pananaw ng Pangulo na aniya’y para sa kapakinabangan ng mga Pilipino. (Dindo Matining)