DUTERTE MAY GO SIGNAL NA SA LIBING NI MARCOS

Kahit patuloy na luma­laban ang mga anti-Marcos groups, nagbigay na ng go signal si Pangulong ­Rodrigo Duterte kay dating Senador Bongbong Marcos para ihimlay na ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

“I told Bongbong (Marcos) — you can proceed (sa paglilibing),” sabi ni Pa­ngulong Duterte kahapon sa pagtatanong ng media sa NAIA Terminal 2 bago ito umalis papuntang ­Thailand at para sa kanyang official visit sa Malaysia.

Binigyang-diin ng Pangulo na nakadepende sa isinasaad ng batas ang mga susunod na hakbang.

Binanggit din nito na salig sa batas ay puwedeng ilibing si Marcos sa Libi­ngan ng mga Bayani at hindi pa naman, aniya, napapatunayan sa korte ang mga bintang laban dito.

“Well, as I have said, as a lawyer, I stick by what the law says. The law says that soldiers and ex-presidents, ‘yung namatay o maski hindi­ siguro ex, basta presidente ka, doon ka ilibing,”­ pahayag nito.

Mahirap aniyang husgahan ang mga pangyayari sa kasaysayan noong Marcos regime.

“Now the question of this tussle about the dictatorship of Marcos is something which cannot­ be determined at this time. It has to have history. Kasi ho ‘yung nasaktan and it was a contention really of a poli­tical fight, initially, then turns out because of the power­ struggle of the ru­ling political families in this country and almost it deteriorated into something, almost like a revo­lution. That part of the sins of Marcos has yet to be proven by a competent court,” pagpapaliwanag ni Duterte.

Kaugnay naman sa pribilehiyo ng paglilibing­ kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani iginiit ng Pangulo na dapat pa ring sundin ang batas.

Samantala, maghahain ng motion for reconsideration si Senador Leila de Lima kaugnay sa naging desis­yon ng Korte Suprema.

“I will file an MR (motion for reconsideration) within the proper period, within 15 days of my receipt of the copy of that decision. And I think ­other petitioners will also­ do that,” ayon kay De Lima.

Kabilang si De Lima sa pitong petitioners sa naturang usapin.

Umaasa pa rin naman ang senadora na bibigyan ng timbang ang kanilang ihahain na MOR.

Sa Kamara, sinabi naman ni LP Congress­woman Arlene ‘Kaka’­ Bag-ao ng Dinagat Island,­ na mistulang hinahati ni Pangulong Duterte ang sambaya­nang Filipino dahil sa pagsuporta nito sa pagpapalibing sa isang diktador sa Libi­ngan ng mga Bayani.

“Parang lalong niyu­rakan ng Presidente ang karapatan ng bawat tao at ‘yung mga biktima ng martial law. Para sa akin lalong nae-emphasize tuloy at nagiging totoo.. naintindihan pa ba ng presidente ang human rights?” ani Bag-ao.

Sinabi ng mambabatas walang magandang idinulot ang ginawa ni Duterte at mayorya sa SC kundi guluhin at paghati-hatiin ang sambayanang Filipino na hindi, aniya, makakatulong sa pag-usad ng bayan.

Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus na isa sa mga na-torture noong panahon ng Martial Law na pinakukulo ng SC ang dugo ng mga biktima ng Martial Law dahil sa kanilang desisyon.

“Masakit ang desis­yong ito ng Korte Suprema at pinakukulo nito ang dugo naming mga biktima ng karahasan noong Batas Militar. Hindi lamang nito binubuksan ang mga sugat­ namin na hindi maghilom dahil sa kawalan ng hustisya, ­tila binubudburan pa ito ng asin,” ani De Jesus.