Duterte may last say sa budget ng CHR

aquilino-pimentel

Ibalik man ng Senado ang orihinal na budget na hinihingi ng Commission on Human Rights (CHR), wala rin itong silbi kung sa bandang huli ay ibi-veto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pag-amin ito ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III kasabay ng paniniyak na pursigido ang Senado na ibalik ang mahigit sa P600 milyong budget ng CHR sa susunod na taon.

Kaalinsunod na rin ito sa naging desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan lamang ng P1,000 budget ang naturang ahensiya.

Ayon kay Pimentel, sa panig ng Senado, nangi­ngibabaw ang sentimiyento na nararapat na bigyan ng mahigit pa sa isang libong pisong budget ang CHR.

“Basta sa Senado, the CHR deserves more than a P1,000. They deserve around P600 milyon,” ayon kay Pimentel.

Ngunit paglilinaw ng senador, ang Pangulo pa rin ang may huling pasya pagdating sa budget dahil mayroong itong tinatawag na “veto power” na nakapaloob sa Konstitusyon.

“Sa Constitution kasi merong line item veto power ang Presidente sa budget,” dagdag ni Pimentel.

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang pagbibigay ng Kamara ng isang libong pisong budget sa CHR.