Matapos itanggi ay inamin na ng Malacañang na may utos si Pangulong Rodrigo Duterte na suspindehin ang ano mang transaksiyon o negosasyon sa 18 bansang sumuporta sa Iceland para maimbestigahan ang administrasyon sa United Nations Human Rights Commission (UNHRC).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na noong unang tinanong niya ang Pangulo ay sinabing wala itong inisyung memorandum order, pero dahil sa kakukulit sa kanya ng media ay muling tinanong ito at sinabing naalala niyang may utos siya kay Executive Secretary Salvador Medialdea.
“When I asked him he said ‘no I did not.’ He might have forgotten momentarily. When I asked him again, he said ‘Yes, I remember calling the Secretary about it,’” ani Panelo.
Matatandaang pinanindigan ni Panelo nitong nakalipas na araw na walang inisyung direktiba ang Pangulo kahit ang kopya ng memorandum ay nakalagay na sa website ng ilang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Customs.
Katwiran ng kalihim, nagkaroon lamang ng ‘lapse of memory’ ang Pangulo. (Aileen Taliping)