HINDI nakasipot si Pangulong Rodrigo Duterte sa campaign rally ng PDP-Laban sa Ma-a, Davao City Biyernes ng gabi dahil sumakit umano ang ulo nito.
Alas-siyete ng gabi ang official schedule ng Pangulo para dumalo sa campaign rally subalit iniurong ito ng alas-nuwebe ng gabi.
Gayunman, tuluyang hindi nakasipot ang Presidente sa kabila ng paghihintay ng mga tao at mga kandidato ng administrasyon.
Maging ang unang aktibidad na pamamahagi ng titulo ng lupa sa Matina, Davao City ay hindi rin nasipot ni Pangulong Duterte kaya si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang nag-proxy sa kanya.
Sinabi ni dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na nawala ang sakit ng ulo ng Presidente makalipas ang tatlong oras.
Nitong Sabado, nag-post naman si Go sa social media ng larawan ni Duterte habang kumakain.
“Medyo nagutom si PRRD habang nagtatrabaho at nagbabasa. Midnight snacks,” ayon sa post ni Go.
Binanggit din nitong tatlong oras din silang nag-usap ng Pangulo.