Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabaon siya ng mga de-lata at tuyo kapag lumalabas ng Pilipinas dahil hindi niya kursunada ang mga ulam sa ibang bansa at sanay ang kanyang panlasa sa maaalat na pagkain.

Dahil dito, nagdadala umano siya ng sariling pagkain gaya ng carne norte at “bulad” o tuyo.

Kuwento pa ng Pa­ngulo, nangamoy ang buong kuwarto niya sa Papua New Guinea nang dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong nakalipas na buwan dahil niluto sa loob ang tuyo.

“Pangit pa ng mga ulam. Susmaryosep. Totoo. Ayan o nandiyan ‘yung protocol. Nandiyan man si ano… Nagbabaon ako ng carne norte pati tuyo. Totoo. Alam mo Bisaya ako eh, I have to have a salty diet. Hindi ako pwede ‘yang bland, patay. Kaya ‘yung kuwarto namin doon sa New Guinea ang baho na. Doon niluluto sa kuwarto eh ‘di ‘yang bulad,” anang Pangulo.