Duterte nagdeklara ng ceasefire sa CPP-NPA

Nagdeklara ng unilateral ceasefire si Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at National Democratic Front (NDF) sa harap ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang unilateral ceasefire ay magkakabisa sa hatinggabi ng Marso 19, 2020 at tatagal ng hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ng April 15, 2020.

“In view of the imposition of the Enhanced Community Quarantine in Luzon amidst the threat of the coronavirus disease (COVID-19) in the country, President Rodrigo Roa Duterte has decided to declare a unilateral ceasefire against the Communist Party of the Philippines-the New People’s Army-the National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), effective 00:00H of March 19, 2020 to 24:00H of April 15, 2020,” ani Panelo.

Inatasan ng Pangulo ang Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para itigil muna ang opensiba laban sa kilusang komunista para mabigyang-daan ang mabilis at maayos na paghahatid ng tulong sa mga mamamayang nangangailangan ng medikal na atensiyon kaugnay sa COVID-19.

Sinabi ni Panelo na inatasan ng Pangulo ang DILG at DND na magpalabas ng guidelines para sa tigilputukan, kasama na ang pagpapatupad ng Suspension of Offensive Military and Police Operations (SOMO). (Aileen Taliping)