Duterte naghahanap ng murang langis

Duterte

Dahil sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanggapan ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na maghanap ng mas murang langis sa mga bansang hindi miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).

Sinabi ni Presidential Spokesman ­Harry Roque na kumikilos na ang DOE alinsunod sa direktiba ng Pangu­lo para matugunan ang daing ng publiko sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Roque, maraming bansang oil producer gaya ng Russia kaya isa ito sa mga tinitingnan ng gobyerno para makapag-­angkat ng langis.

“Gumagalaw na po ang DOE ngayon para maghanap ng mas murang langis galing po sa mga non-OPEC members, kasama na po ang Russia. Gagawin po natin ang lahat para po makaangkat ng mas murang mga langis.

“At tinitingnan po natin iyong posibilidad na sa diesel man lang, kasi diesel po ay makaangkat tayo ga­ling sa bansang ­Russia,” ani Roque.

Ang serye ng oil price hike ng mga kompanya ng langis sa ­bansa ay ibinabase sa presyuhan ng la­ngis sa pandaigdigang pamilihan.

Dahil sa mataas na presyo ng gasolina at krudo ay humihirit ang mga transport group ng dagdag-­singil sa pamasahe para makasabay umano sa mga nagtaasang presyo ng mga pangunahing ­bilihin.

Kabilang sa mga apektado ng ­dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang lalawigan ng Ilo­ilo kung saan nagsagawa ng pagdinig ang Senado noong Biyernes at ramdam din umano ang sentimiyento ng mamamayan sa Metro Manila na nabibigatan na sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.