Pinagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng agricultural assistant na nagkakahalaga ng P58 milyon ang mga magsasaka sa Soccsksargen para matulungan sila na mapabuti ang kanilang produksyon at kita.
Kabilang sa mga tumanggap ng biyaya ay ang Cotabato, P16, 832,386; South Cotabato, P11,712,655; Sultan Kudarat, P19,400,928; at Sarangani, P10,102,223.
Kabilang sa mga kagamitan sa pagsasaka na ibinigay ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Pigcawayan, North Cotabato noong Biyernes ay anim na four-wheel drive tractor, limang rice combine harvester, 27 hand tractor, at mga abono.
May 100 magsasaka naman ang binigyan ni Pangulong Duterte ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance cash card na P5,000 kada isa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na umaasa siyang matutulungan ang mga magsasaka na mas maging produktibo pa at mas lalakas ang sektor ng agrikultura. (Prince Golez)