Pinasaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Philippine Marine Corps (PMC) matapos mamudmod ng tig-P50,000 sa mga may kaarawan ngayong Enero.
Naganap ito sa pagbisita ng Pangulo sa PMC headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City nitong Lunes nang gabi.
Dalawang grupo ang binigyan ng Pangulo ng pa-birthday. Una sa mga sundalong may kaarawan ng Enero 13 at mga sundalong magdiriwang ng araw ng kanilang kapanganakan ngayong buwan.
Bukod sa pa-birthday na pera mayroon pang kasamang nakabalot na regalo subalit hindi matukoy kung relo o cellphone ang laman ng mga ito.
Gayunman, binilinan ng Pangulo ang mga nakatanggap ng pera na ibigay ito sa kanilang mga asawa at huwag ipang-inom.
“Ibigay n’yo ‘yan sa mga asawa n’yo ha, huwag ninyong ipang-inom lang hindi porke’t birthday n’yo,” sabi ng Pangulo.
Sa nasabing aktibidad, pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pagkakaloob ng parangal sa mga miyembro ng PMC na aktibong nakipaglaban noon sa mga teroristang pumasok sa Marawi City.
Ginawaran ng Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kampilan at Kamagi ang mga sundalong nakipaglaban sa Marawi.
Kasama sa mga pinarangalan ni Pangulong Duterte ang mga sundalong nasugatan matapos makasagupa ang mga miyembro ng New People’s Army.
May 152 miyembro ng PMC ang nakatanggap ng parangal mula sa Pangulo.
(Aileen Taliping/Prince Golez)