Personal na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga-Mindanao na suportahan ang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes, Enero 21.

Sa kanyang talumpati sa Peace Assembly na ginanap sa Cotabato City kahapon, hinikayat ng Pangulo ang publiko na suportahan ang plebisito dahil nakasalalay sa boto ng mga ito ang ikagagan­da at pagbabago ng buhay ng mga taga-Minda­nao.

“Mga mahal kong mga Moro brother or sister, magboto kayo ng yes, eh pag hindi, hindi na ako pupunta dito kailanman, doon na lang ako sa Lanao,” anang Pangulo.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, matagal na proseso ang pinagdaanan ng BOL sa Kongreso bago ito nakalusot kaya dapat na tingnan ang halaga nito sa mga gagawing pagbabago sa Mindanao.

Batid ni Pangulong Duterte ang kawalan ng sari­ling lupa ng mga Moro ang isa sa mga ugat ng kaguluhan sa Mindanao kaya’t kapag naratipika ang BOL ay magkakaroon aniya ng patas at pantay na distribusyon ng mga lupain.
Sinabi pa ng Pangulo na ang kinabukasan ng mga Moro ay nasa kanilang mga kamay kaya maging matalino sa pagboto sa plebisito at maging maingat para na rin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.