Duterte napabilib ni Briones

Bumilib si Pangulong Rodrigo Duterte sa prinisentang bagong sistema sa pagtuturo ng Department of Education (DepEd) para makaiwas sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga estudyante at mga guro.

Sa kanyang mensahe sa bayan Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na sa tingin niya ay uubra ang mga bagong pamamaraang inilatag ni Education Secretary Leonor Briones para makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyante ng hindi kailangang pumasok sa paaralan.

Suportado aniya nito ang hakbang ng DepEd para makapagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata ng hindi kailangang pumunta sa eskuwelahan.

“I’m impressed with the simplicity of the program ma’am. And I believe that all that you have said is really feasible. Radyo kung walang television and all of these things,” anang Pangulo.

Hinimok ni Pangulong Duterte si Secretary Briones na huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa ibang mga departamento at makipag-ugnayan sa mga ito.

Tiniyak ng Pangulo ang suporta sa DepEd lalo na sa aspeto ng pondo at kahit walang pera ang gobyerno ay hahanapan niya ito ng pondo.

“And should you require any help from any of the Departments, feel free to communicate to them. If it’s a question of funding, I will–sought to speak, scrape the bottom- the bottom of the barrel,” dagdag ng Pangulo.

Sa bagong sistema ng pagtuturo sa elementarya at high school, gagamit ang DepEd ng online, telebisyon at radyo para makaiwas sa face-to -face learning dahil sa banta ng COVID-19.

Tinawag ni Briones ang ipatutupad na sistema ng pagtuturo na “blended and distant learning”.

Giit ng kalihim, hindi na ito bago at marami nang unibersidad at eskuwelahan ang nag-aalok ng distant learning dahil mayroon itong iba’t ibang pamamaraan na puwedeng i-adjust sa aktuwal na sitwasyon sa mga pamayanan.

Sa mga walang internet sa kanilang tahanan, may nakahanda aniyang mga printed learning materials ang DepEd na ipamimigay sa mga estudyante at dadalhin pa ito sa bahay nila sa tulong ng barangay.

Gagamitin din ng DepEd ang radyo at telebisyon para sa mga malalayong lugar. (Aileen Taliping)