Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng mabilis subalit patas na imbestigasyon sa pagkamatay ng isang dating sundalo na binaril ng pulis dahil sa paglabag diumano sa enhanced community quarantine sa Quezon City, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang biktima na nakilalang si Winston Ragos, na kabilang sa mga sundalong lumaban sa Marawi siege noong 2017, ay napatay matapos barilin ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr.
“Nangangako ang gobyerno, ang Presidente na magkakaroon ng patas na imbestigasyon dito dahil ang iimbestigahan ay isa ring taong gobyerno, isang pulis at ang biktima ay isa ring sundalo. Makakaasa po kayo sa patas at mabilis na imbestigasyon,” sabi ni Roque.
Kasabay nito, itinanggi rin ni Roque ang mga ispekulasyon na na-misinterpret umano ni Glorendo ang shoot-to-kill order ng Pangulo laban sa mga pasaway sa quarantine.
“Wala pong ganun. Ang preliminary report na nabasa ko na mukhang nagkaroon ng sigawan sa panig nung nasawi at nagkaroon ng parang interpretasyon ang pulis na nung tumalikod akala niya dumudukot ng baril,” ayon kay Roque.
“This is all preliminary, walang relasyon ito sa kahit anong sinabi ni Presidente, at hindi sinabi ng pulis na siya po’y pinatutupad ang isang order ng Presidente. So, ‘wag natin bigyan ng interpretasyon ang bagay na wala pong basehan at all. If at all it is speculation, it’s conjecture, it’s not factual,” dagdag pa ng kalihim.(Prince Golez)