Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na higpitan pa ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoint dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga bumibiyaheng sasakyan sa kabila ng ipinatutupad na Luzon-wide lockdown.

“Sabi ng Philippine National Police na umaabot na po ng 108,088 sa buong bansa ang lumabag sa ECQ as of April 13. Napapansin po ni Pangulong Duterte at mga miyembro ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) na medyo nagiging kampante ang ating kababayan pagdating sa ECQ,” pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Miyerkoles.

Aniya, inutos ni Pangulong Duterte na higpitan ang screening process para sa mga taong pinahintulutang makalabas ng kanilang tahanan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon.

Kaugnay nito, mabilis namang tumalima sa direktiba ng Pangulo ang PNP Highway Patrol Group at agarang ipinatupad simula nitong Miyerkoles ang mga sumusunod:

*inspeksyon sa mga pribadong sasakyan para malaman kung ang driver at pasahero ay kabilang sa listahan ng mga authorized person outside of residence o APOR;

*kapag hindi kabilang sa APOR, titiketan ang driver ng pribadong sasakyan.

Ayon kay Nograles, kabilang sa mga otorisadong tao ay mga medical at health worker, mga kawani ng mga establisimiyentong nagkakaloob ng mga importanteng serbisyo, at iba pang frontliner.

“Kung mapansin nyo po, humihigpit ang ating mga pulis sa mga checkpoint sa ating mga barangay, sana po intindihin natin na magiging effective lang itong ECQ sa pag-contain ng COVID-19 kung tayo ay hindi basta-basta na lang nakakaikot at nakakalabas,” ayon kay Nograles.

“To address the reported increase in numbers of vehicles along EDSA and major thoroughfares in Metro Manila, sa utos ng Pangulo, the PNP will strictly impose the policy on Authorized Persons Outside of Residence (APOR), ” dagdag pa ng kalihim.

Ipinahayag naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID Shield, na inatasan na niya si PNP Highway Patrol Group director Brig. Gen. Eliseo Cruz para magpakalat ng mga mobile checkpoint hindi lang sa kahabaan ng EDSA, kundi sa iba pang malalaking kalsada sa Metro Manila dahil sa biglaang pagdami ng mga sasakyan kamakalawa.

“I directed HPG to conduct mobile checkpoints and Oplan Habol along EDSA and other major thoroughfares in NCR to check on private vehicles if there are UPOR occupants,” sabi ni Eleazar.

Sa ngayon ay nakikipag-usap na ang PNP-HPG sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa isasagawang implimentasyon ng Oplan Habol.

Kung walang maipakikitang APOR ang mga drayber ng mga sasakyan ay hindi ito papayagang bumiyahe, dagdag pa ni Eleazar.(Prince Golez/Aileen Taliping/Edwin Balasa)