Opisyal nang itinatag ang Bangsa­moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos pangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon nito sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, BARMM Compound, Cotabato City nitong Biyernes nang gabi.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na lubos siyang naliligayahan dahil nabuo at napagtibay ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na magiging susi at magbibigay ng bagong pag-asa para sa mga taga-Mindanao.

“May I just express in front of you my extreme happiness. It gives me the high that we were able to realize at least a part, maybe not all, but a part of what the entire country would have wished for the Moro people of Minda­nao,” anang Pangulo.

Ang tagumpay sa katatapos na plebisito ay patunay aniya ng determinasyon ng mga taga-Mindanao na magkaroon ng tunay na kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

Sinabi pa ng Pangulo na abot-kamay na ang minimithing pangarap ng mga Muslim, Kristiyano, lumad at iba pang katutubong tribo para sa isang mapayapang rehiyon.

“Today, we proudly open a new chapter in our history as we inagurate the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, the new auto­nomous entity that we had envisioned to address the injustices of the past and plot the new course towards a more promising future for Minda­nao and the rest of the country,” dagdag ng Pangulo.

Nanawagan ang Presidente sa mga bumubuo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na samantalahin ang pagkakataong ito para maiwasto ang matagal ng historical injustice sa rehiyon.

Hiniling ni Pangulong Duterte sa lahat na magtulungan para makamit ang inaasam na pag-unlad at pangmatagalang kapayapaan pati na rin ang maayos at epektibong inplementasyon ng Annex on Normalization kasama na ang decomissioning ng mga da­ting armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Umaasa rin ang Pangulo na sa tamang panahon at pagkakataon ay maaayos din niya ang problema sa grupo ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari sa tulong at pag-alalay ni Allah. (Aileen Taliping)