Duterte: Pulis may pabuya ‘pag nakapatay ng narco-PNP

May naghihintay na pabuya sa mga pulis na makakapatay ng kanilang mga opisyal na sangkot sa iligal na droga.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rod­rigo Duterte sa ipinatawag na Cabinet meeting sa Malacañang kahapon kung saan isa sa mga pangunahing agenda ang isyu sa iligal na droga.

Sinabi ng Pangulo na isa nang national security concern ang iligal na droga kaya dapat na mas paigtingin ang ope­rasyon laban dito.

Ayon sa Pangulo, bibigyan niya ng pabuyang trip to Hong Kong o katumbas na halaga ang mga pulis na makakapatay ng mga opisyal na sangkot kalakaran ng droga.

Ginawang halimbawa ng Pangulo ang napatay na police colonel sa Dipolog City na si Supt. Santiago Rapiz na napatay sa buy-bust operation noong Lunes nang gabi.

Isa umanong ninja cop si Rapiz na sangkot sa pagre-recycle ng mga nakukumpiskang shabu sa kanilang mga anti-illegal drugs operation.

Kasabay nito hinimok ni Pangulong Duterte ang publiko na isumbong ang mga kilalang ninja cop dahil nananatili ang alok nito na P3 milyong pabuya para sa mga makapagtuturo sa mga pulis na sangkot sa droga.

Samantala, nagbabala ang pamunuan ng PNP Counter-Intelligence Task Force na marami pang opisyal ng pulisya ang maaaring sumunod sa sinapit ni Rapiz.

Ayon kay Sr. Supt. Romeo Caramat, commander ng task force, magsilbi sanang babala sa mga pulis ang nangyari kay Rapiz na nasawi dahil sa pagsawsaw sa operasyon ng iligal na droga.

Sinabi ni Caramat na may mga kasabwat pang mga opisyal ng pulisya si Rapiz na karamihan ay may mga ranggo rin na superintendent.

“Marami pang mga follow-up ‘yan na mangyayari sa mga kapwa niya mga opisyal,” diin ni Caramat sa press brie­fing kahapon.

Ayon kay Caramat, si Rapiz ang may pinakamataas na ranggo sa hanay ng mga pulis na napatay sa police operation mula nang naupo siya bilang hepe ng PNP-CITF, ang unit na humahabol sa mga police scalawag.

“Marami pa kaming target. We are just waiting for the right time to neutra­lize these police officers,” dagdag pa nito.